955

By

Galunggong sosyal na! Presyo umabot na sa P360 kada kilo

Hindi na pang-masa ang presyo ng isdang GG o galunggong dahil umabot na sa P360 ang kada kilo nito sa ilang mga pangunahing palengke sa Metro Manila, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Sabi ng senadora, mas mataas pa umano ang presyo ng GG sa karneng manok at baboy sa mga pamilihan kaya dapat itong solusyunan agad ng pamahalaan.

Sa monitoring ng tanggapan ni Marcos, umakyat sa P360 per kilo ang presyo ng GG sa Mega Q mart na ang dating presyo ay naglalaro lamang sa P150 hanggang 160.

Sa Pasig City market, pumalo naman sa P240 ang kilo ng GG mula sa dating P120 hanggang P140 per kilo.

Sa Muñoz Public Market, ang presyo ng GG ay nasa P260 hanggang P280.

Sa mga supermarket naman ay pumalo na ang presyo ng galunggong sa P350 hanggang P360 ang kilo.

Maliban sa GG, tumaas din ang iba pang mga isda sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila gaya ng tilapia na ngayon ay nasa P120 hanggang P130 mula sa dating P90 hanggang P100 at bangus na dating P130 ang kilo ay nasa halos P200 na.

“Ang sosyal na talaga ng GG ngayon dahil sa sobrang mahal. Hindi na siya poor man’s fish. Mas mahal pa ang GG sa presyo ng manok, baboy at baka,” sabi ni Marcos, chairman ng Senate economic affairs committee.

“Hindi naman siguro dapat nakanganga na lang tayo sa presyuhang ito. Gawan sana ito ng paraan ng gobyerno,” dagdag nito.

Ang African Swine Fever scare ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga isda sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Central Luzon.

Nauna nang inaprubahan ni Agriculture Secretary William Dar ang pag-angkat ng 45,000 metric tons ng GG at mackerel para mapunan ang kakulangan ng suplay nito sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?