43

By

Galas public market sa QC, tinupok ng apoy

Naabo ang may 150 stall nang lamunin ng lumalagablab na apoy ang kalahating bahagi ng Galas public market sa Quezon City, nitong Biyernes ng madaling-araw.

Base sa ulat ni QC Fire Marshal Sr. Supt. Jaime Ramirez, dakong alas-4:00 ng madaling-araw (November 8) nang tupukin ng apoy ang 150 stall sa loob ng naturang public market na matatagpuan sa Brgy. San Isidro, Galas, QC.

Mabilis kumalat ang apoy dahil pawang gawa umano sa kahoy ang karamihan sa mga stall sa dry goods section ng naturang palengke habang hindi naman nadamay ang wet market.

Sa gitna ng sunog, nasugatan ang anak ng stall owner na si Reynaldo Rondina, 5-anyos na nagtamo ng 2nd degree burn at agad sinugod sa pagamutan.

Isang fire volunteer ang nagtamo rin ng 2nd degree burn at isa naman ang kinapos ang hininga nang makalanghap ng makapal na usok.

Ayon sa mga arson prober na si FO1 Mary Ann Mostacisa, umabot sa 4th alarm ang sunog at naapula ang apoy dakong alas-6:30 ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), tinatayang aabot sa P250,000 mga ari- arian ang nasunog kabilang ang mga paninda.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog pero may impormasyon sila na maraming illegal wire connection sa nasabing palengke na posibleng pinagmulan ng apoy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?