116

Mar 18, 2020 @ 18:04
By

Food pass ng DA, diyahe sa maliliit na negosyante

Tatlong araw nang walang itlog sa isang pamayanan sa Las Piñas kung saan Huwebes pa nag-panic buying ang mga tao, bago pa pormal na inanunsiyo ang lockdown sa Luzon.

Ngayong pinalawak na at pinahigpit ang quarantine para maawat ang pagkalat ng COVID19 sa bansa, lalong matatagalan ang delivery ng isang mang-iitlog sa Batangas sa kanyang mga suki sa lugar.

Sinabi niya sa kanyang suki na hindi pa rin siya makaka-deliver bukas dahil hindi pa niya natatapos ang requirements para makakuha ng Food Pass ng Department of Agriculture na dapat sana ay magpapabilis ng kanyang pagdadala ng itlog sa Metro Manila.

Pinagmalaki kahapon ng DA, Marso 17, na bibilis ang pagbiyahe ng pagkain sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa Luzon sa kabila ng mas mahigpit na quarantine sa mga nilagay na checkpoint ngayong linggo.

Sinabi ni William Dar na maraming mga truck na nagdedeliver sa NCR ang nahirapan magdala ng kanilang mga produkto dahil sa trapik sa mga checkpoint.

Para maiwasan ito, tanging mga truck at suppliers lamang aniya na magpapa-accredit sa DA ang makagagamit ng special lanes.

Sabi ni DA assistant secretary Kristine Evangelista, hindi dapat mahirapang makakuha ng accreditation ang mang-iitlog ng Batangas.

Aniya, downloadable ang forms at kailangan lamang isumite. Dagdag pa niya, ang Dizon Farms ni presidential appointee Vince Dizon na namumuno ngayon sa Bases Conversion Development Authority ay naproseso ang food pass sa loob lang ng limang minuto.

Sabi ni Evangelista, nakapagproseso ang DA ng 72 aplikasyon sa dalawang oras lamang at 200 naman ang na-release na nito sa loob din ng dalawang oras.

Para sa mga simpleng mang-iitlog, nakalulula ang requirements: scanned copy ng OR, canned copy ng certificate of registration, scanned copy ng business permit, nasagutang food lane accreditation application form, food lane reference form, at statement of commitment.

Para sa mga livestock, poultry at by-products, kailangan din ng scanned copy ng handlers’ license at accreditation ng transport carrier na inisyu ng Bureau of Animal Industry, at accreditation ng meat transport vehicle na inisyu naman ng National Meat Inspection Service.

Kailangan ding rehistrado ang maga-apply at walang reklamo laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?