41

By

Feeling gangster! Party-list solon Dagooc hinamong magbitiw ni Abante

MANILA – Nahaharap sa isang ethics complaint si APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc matapos itong damputin ng mga awtoridad sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Huwebes ng hapon dahil sa hirit nitong “bomb joke” sa mga kawani ng paliparan.

Mismong si House Minority Floor Leader Benny Abante ang humimok na imbestigahan ng Ethics Committee si Dagooc dahil sa umano’y pagkaladkad nito sa Kamara sa isa na namang kontrobersiya matapos biruin ang mga kawani ng NAIA Terminal 2 ng pagkakaroon umano ng bomba sa kanyang bitbit na bagahe bago lumipat patungong Cagayan de Oro City.

Hinamon ni Abante si Dagooc na magbitiw na lang sa puwesto kung meron pa itong kahihiyan dahil sa pagiging astang gangster.

“Sana naman walang congressman na will down the House of Congress to the level of gangsterism,” paliwanag ni Abante.

“If you do not conduct yourself to a proper decorum, you are free to resign as a congressman. Do not drag the House of Congress to your action,” dagdag pa ng lider ng minorya sa Kamara.

Si Dagooc ay kabilang sa 28-man minority bloc na pinamumunuan ni Abante subalit iginiit ng kongresista mula Maynila na hindi niya personal na kakilala ang kontrobersyal na party-list congressman.

Agad rin na pinalaya ng Philippine National Police Aviation Security Group si Dagooc ilang oras matapos damputin dahil inihirit ng kanyang abogado at iginiit ang Article 6 Section 2 ng Saligang Batas kung saan hindi pwedeng arestuhin ang isang miyembro ng Mababang Kapulungan o Senado habang nakasesyon ang Kongreso—kung ang krimen ay may parusa na hindi hihigit sa anim na taong pagkakakulong.

Maaaring makulong ang isang taong nagkakalat ng bomb joke sa paliparan ng hindi hihigit sa limang taon at multa na aabot hanggang P40,000 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727.

Dapat umanong imbestigahan ng ethics panel si Dagooc ayon kay Abante lalo na kung magmamatigas itong hindi magbitiw bilang kongresista bagama’t bigo pa rin ang bagong liderato ng Kamara na magtalaga ng mamumuno sa nasabing komite.

Ang Ethics Committee ay napag-alaman na isa sa mga key committees ng Mababang Kapulungan na ilalaan ng Cayetano speakership para sa minority bloc ni Abante.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?