18

By

Fajardo, Beermen hahabol sa Top 4

Pinangunahan ni June Mar Fajardo ang all-Filipino crew ng San Miguel Beer sa 99-96 overtime win laban sa Blackwater noong Miyerkoles sa Cuneta Astrodome.

Nakaupo sa bench si injured import Dez Wells (ankle), kumayod nang todo ang five-time MVP para isampa ang Beermen sa 6-3 baraha at sa fourth spot ng PBA Governors Cup.

Matagal-tagal ding hindi naglaro nang all-Filipino ang Beer, wala sa ritmo sa umpisa pero nang mag-init ay bumalik ang porma na nagdala sa kanila sa titulo ng Philippine Cup noong May.

Tumapos si Fajardo ng 30 points mula 11 of 19 shooting at 8 of 10 free throws, may 13 rebounds at 2 assists.

Magkabuhol ang iskor sa 88 pagkatapos ng regulation, nambarako ng 5 points ang 6-foot-10 center sa extra period para kumpletuhin ang panalo.

“Kailangan namin makahabol sa standings, kailangan namin makahabol sa top four para twice-to-beat advantage kami (sa quarters),” ani Fajardo.

Titibay ang kapit ng Beermen sa top four kapag naipanalo ang laro ngayon kontra Rain or Shine sa Petron Blaze Saturday Special na dadayo ng Hoops Dome sa Lapu-Lapu.

Kailangan muling kumayod si Fajardo sa harap ng kanyang mga kababayang Cebuano para manatili sa upper half.

“Exciting na game ‘yun,” anang produkto ng University of Cebu. “Matagal na rin kaming hindi nakapaglaro du’n.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?