20
ABANTE-TNT-doj-aguirre-gobyerno
By

Expert panel, PAO pag-iisahin na sa Dengvaxia probe – Aguirre

Hindi inaalis ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang posibilidad na magtulungan ang expert panel mula sa Philippine General Hospital (PGH) at Public Attorney’s Office (PAO) sa pagsusuri sa mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia.

Ang PGH expert panel ay ang inatasan ng Department of Health (DOH) para aralin kung may kaugnayan ang pagkamatay ng mga bata sa Dengvaxia, habang ang PAO naman ay pinakilos ng DOJ para tulungan ang mga magulang ng mga batang namatay makaraang turukan ng bakuna kontra dengue.

Ayon kay Aguirre, maaring mapag-usapan sa pagpupulong sa Malacanang ngayong araw na ito ang posibilidad na magtulungan ang PAO at PGH expert panel.

Paglilinaw pa ng kalihim, hindi niya pinipigilan si PAO Chief Percida Acosta na magsalita sa isyu.

Naipaalam na rin umano kay Acosta na maaring isa ang paraan ng kanyang pagpapaliwanag sa inaalmahan ng mga doktor sa UP-PGH.

Nagiging emosyonal daw kasi si Acosta kapag nagpapaliwanag sa media at malamang na kasama rin umano ito sa matalakay sa pulong sa Malacanang kung saan inaasahan ang pagdalo mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, DOH Secretary Francisco Duque, Presidential Spokesman Harry Roque at Acosta.

Matatandaan na sa pagdinig sa Senado kamakailan, umapela si Duque sa isang grupo na madalas makita sa telebisyon na itigil ang paghahasik ng takot sa isyu ng Dengvaxia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?