1,298

Jul 30, 2019 @ 20:15
By

Ex ni Phillip Salvador, dinampot sa estafa

Itinurn-over sa Manila Police District-Warrant Section ang dating karelasyon ng aktor na si Phillip Salvador matapos arestuhin ng mga pulis Parañaque sa kasong estafa.

Kaugnay ito ng isinampang kaso laban sa kanya ng isa niyang investor, Lunes ng hapon sa Manila Regional Trial Court Branch 27.

Gayunman, nakalaya na rin nitong Martes ng hapon si Cristina Bondoc Castillo, o mas kilala bilang Cristina Decena, 56, matapos na makapagpiyansa ang kanyang mga abogado ng halagang P66,000.

Sa panayam kay Castillo, iginiit nito na wala siyang ini-estafa sa nagsampa ng kaso laban sa kanya.

Binayaran na umano niya ng titulo ng lupa ang naturang investor na mahigit pa sa P10 milyong ini-invest nito sa kanyang negosyo.

Nagsampa umano ng demanda ang investor dahil ipinipilit umano nito na kulang pa ang ibinayad sa kanya ni Castillo.

Ayon kay Castillo, nakahanda naman siyang sagutin ang reklamo laban sa kanya at nagbanta rin ito na bubuweltahan ang hindi niya pinangalanang investor sa sandaling ma-dismiss ang kaso laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?