101

By

Ex-Iloilo Cong. Syjuco pumanaw na

Pumanaw nitong Martes si dating Iloilo Cong. Augusto “Boboy” Syjuco Jr. sa edad na 77.

Nakalathala sa Facebook page ng regional broadsheet na Panay News ang paglisan sa mundo ni Syjuco noong Enero 13 ng tanghali.

Hindi pa malinaw kung ano ang naging sanhi ng pagpanaw ng dating kongresista ng nagsilbi ding Director General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Base sa ilang mapagkakatiwalaang source ng Abante, pumanaw si Syjuco sa bansang Singapore habang ipinapagamot ang isang karamdamang matagal na niyang iniinda.

Agaran din umanong pina-cremate ng pamilya Syjuco ang mga labi ng dating mambabatas sa nasabing bansa matapos itong pumanaw.

Nagsilbi si Syjuco bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Iloilo mula 1998 hanggang 2004, at mula 2010 hanggang 2013.

Noong nakaraang Agosto, na-convict sa kasong fraud sa Sandiganbayan si Syjuco matapos nitong aminin ang pagkakasala sa P4.3 milyong cash grant sa Department of Agriculture, gamit ang kanyang pork barrel funds noong siya’y isa pang kongresista.

Nauna nang pinayagan ng second division ng anti-graft court si Syjuco para makipag-plea bargain agreement sa kaso nito dahil sa humihina nitong kalusugan.

“(Syjuco is) slowly dying as he is currently suffering from advanced myelodysplastic syndrome,” base sa kanyang motion for plea bargain agreement noong Marso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?