62

By

Ex-convict na nakalaya sa GCTA, sumuko sa QCPD

Matapos mabalitaan ang “shoot to kill” order ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga nakalaya sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, sumuko ang isang ex-convict sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 6.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, ang ex-convict ay nakilalang si Joselito Sanchez Fernandez, 58-anyos na residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay PMaj. Elmer Monsalve, hepe ng CIDU, sumurender sa kanilang tanggapan si Fernandez dakong alas-tres ng hapon matapos makulong sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan Puerto Princesa City.

Si Fernandez ay nasentensiyahan ng ‘reclusion perpetua’ noong Agosto 22,1994 ng Malolos, Bulacan Regional Trial Court Branch 9 sa kasong murder at frustrated murder, at nakalaya dahil sa GCTA na pinagkaloob ni dating Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon nitong Agosto 19.

Posible umanong dahil sa takot sa banta ng Pangulo ay agad na sumurender ang naturang ex-convict at kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDU.

Magugunitang una nang pinaliwanag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na para lang sa mga manlalaban ang “shoot to kill” order ng Pangulo.
.
Binigyang-diin ng hepe na tungkulin ng mga pulis na ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga armadong suspek at para lang idiin kung gaano ka-peligroso ang mga presong pinalaya na nakulong dahil sa mga karumaldumal na krimen, tulad ng rape at murder.

Inamin din ni Albayalde na malaking hamon para sa PNP ang utos ng Pangulo dahil sa malaking bilang (halos 2,000) ng mga presong kailangan nilang hanapin at duda umano siya na boluntaryong susuko ang karamihan sa mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?