94
blood-sis
May 4, 2018 @ 16:08
By

Erika pahihirapan nang husto ni Emman sa ‘The Blood Sisters’

Wala na yatang aktres sa TV ngayon ang mas sisipag pa kay Erich Gonzales, dahil napakaepektibo ng pagganap niya sa tatlong kambal na sina Erika, Agatha, at Carrie na may iba-ibang uri ng personalidad sa primetime series na The Blood Sisters.

Iba-iba ang atake ni Erich sa bawat karakter, at kung gaano katindi ang inis na nararamdaman namin sa salbaheng si Agatha, ay ganun din ang lakas ng simpatya namin para kay Erika, ang pinakamabait sa tatlong magkakapatid.

Paano kasi, kawawang-kawawa ang karakter niya na tila walang humpay ang pinagdadaanang hirap sa buhay. Siya ang pinagbibintangan ngayon ng lola niyang si Rosemarie (Tessie Tomas) na tumulak umano rito sa hagdan, at ngayon naman ay panibagong hamon ulit ang haharapin niya sa pagbabalik ng dating kasintahan na si Emman, na siya ring ama ng kanyang anak.

Si Patrick Garcia ang gumaganap kay Emman, at kung dati ay special appearance lang siya sa serye, mukhang regular na itong lalabas upang pahirapan ang buhay ni Erika. Ang kapal pa ng mukha ni Emman, dahil matapos niyang buntisin si Erika at mawala sa buhay nito nang parang bula, nagbabalik siya ngayon para angkinin ang anak nilang dalawa.

Gigil na gigil talaga ang mga manonood sa seryeng ‘to. Patunay lang na napaka-convincing ng bawat karakter at nadadala ang mga emosyon nila sa mga pangyayari sa kwento nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?