218

By

Ekonomiya pinabagsak ng Marcos Martial Law — Pangilinan

Kinontra ni Senador Kiko Pangilinan ang mga nagsasabing gumanda ang ekonomiya ng bansa noong pinairal ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law.

Batay umano sa datos, nalugmok noon ang bansa.

Tinukoy nito na 3.8 porsyento ang average na gross domestic product (GDP) noon samantalang 4.5 porsyento ito noong 2000 at 6.3 porsyento mula 2010 hanggang kasalukuyan.

“Sa ilalim ni Marcos, noong 1984 at 1985, naranasan ng bansa ang pinakamalalang pag-urong ng ekonomiya matapos ang digmaan: 7.3-percent sa dalawang magkasunod na taon,” ayon kay Pangilinan.

Nalubog din umano ang bansa sa utang noon.

“Mga utang: Mula $4.1 bilyon noong 1975, umabot ang utang panlabas ng Pilipinas sa $24.4 bilyon noong 1982, tumaas nang halos anim na beses. Tayo, kasama ng ating mga anak at maaaring maging mga anak ng ating mga anak, ay magbabayad pa rin sa utang na iyon,” dagdag nito.

Mula 1969 hanggang 1985, nahulog naman umano ang halaga ng piso sa dolyar mula P3.92 sa P18.61.

Umakyat naman diumano noon sa 33 percent ang underemployment noong 1984.

“Ibig sabihin: mga 1 sa 3 tao na may trabaho ang nais pang mag-OT o naghahanap pa ng dagdag na trabaho, pero walang mahanap. Ang meron lang ay trabahong hindi sapat para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa,” sabi pa ni Pangilinan.

Dagdag nito, tumaas noon ang presyo ng bilihin at bumaba ang kita ng mga manggagawa.

Hindi naman umano dalat kaligtaan ang pagnanakaw ng pamilya Marcos.

“Katiwalian: Ginamit ni Marcos ang kanyang napakalawak na kapangyarihan bilang diktador para mangamkam, na pinaniniwalaang umaabot sa $5-10 bilyon. Sinasadyang harangin at maantala ng pamilyang Marcos at ng kanilang mga crony ang mga pagsusumikap na maibalik ang nakaw na yaman sa sambayanang Pilipino,” diin nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?