332

Feb 20, 2020 @ 14:06
By

Econest Sanitary Landfill sa Bataan, isinara

Dahilan sa umano’y matinding paglabag sa environmental laws na nakapipinsala sa kalikasan at nagdudulot ng perwisyo sa mga residente, pansamantalang ipinatigil ni Hermosa Mayor Jophet Inton ang operasyon ng Econest Sanitary Landfill Station sa Brgy. Mambog sa Bataan.

Kahapon, Pebrero 19 ay nagbigay na ng pahayag sa media ang president at CEO ng Econest Waste Management Corporation na si Atty. Beula Coeli Fiel para pabulaanan ang mga akusasyong environmental violations na ipinaratang ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ni Fiel, walang kapangyarihan ang nasabing local government unit na magbigay sa kanila ng cease and desist order sanhi ng paglabag sa mga environmental law at tanging ang Environmental Management Bureau (EMB) lamang ang awtorisadong magpataw nito.

Alinsunod sa public private partnership agreement sa LGU, idinagdag ng kompanya na “the contract is the law between the parties.”

“In the contract, in case of perceived violations, Econest has 30 days within which to correct said violation, if any,” dagdag ni Fiel.

Ipinahayag pa nito na tanging isang hukumang may tiyak na hurisdiksiyon ang makapagreresolba ng mga isyu sa pagitan ng dalawang partido.

Nauna nang binisita ng mga kinatawan ng EMB ang SLF sa loob ng nakalipas na dalawang buwan at walang natuklasang anumang makasisira laban sa Econest.

Sinasabi rin ng Econest na dumadanas na sila ng panggugulo o harassment mula sa mga opisyales ng munisipyo simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon at idinagdag pang ininspeksiyon ng mga ito nang walang anumang mission o travel order na maipakita sa kanilang kompanya at hindi na nagpadala ng anumang feedback sa mga sinasabing natuklasan ng mga ito.

Ipinaliwanag pa ng Econest na nasira ang kanilang bulldozer na dahilan kung bakit naantala ang paglilipat ng mga basura sa residual cell no. 1

Ipinabatid din ng Econest na humingi sila ng tulong sa EMB at sa lokal na Environment and Natural Resources Office o CENRO upang matugunan ang kanilang suliranin.

Inakusahan naman ng Hermosa LGU na tumatanggap pa ang Econest ng mga basura mula sa ibang lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?