137
Duterte sa 64 Customs employee: Mag-resign o kakasuhan ko kayo
By

Duterte sa 64 Customs employee: Mag-resign o kakasuhan ko kayo

Dalawang opsyon lang ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 64 na opisyal at empleyado ng Bureau of Customs na inilagay sa “floating status” matapos masangkot sa katiwalian.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na GOCC Day at paglagda ng loan agreement para sa Malolos-Clark Railway Project sa Malacañang, pinapili ng Pangulo ang 64 na kawani sa Customs na mag-resign o masampahan ng kaso ang mga ito.

Batay sa impormasyong ibinigay sa Pangulo, sangkot ang mga ito sa iregularidad at smuggling ng mga kontrabando.

Isa sa mga natuklasan sa imbestigasyon, batay sa report kay Pangulong Duterte, ang sabwatan umano para makalusot ang P1 bilyong halaga ng shabu na nakalagay sa tapioca bag o harina.

Inatasan ni Pangulong Duterte ang 64 na Customs employee at official na mag-report sa kanya sa Lunes para mapakinggan ang panig ng mga ito.

“I will be dismissing something like 64 Customs employees. In the meantime that their case are being heard, in obedience of the rule of the right to be heard, I want them to be here in Malacañang. So I will be asking them to report here. You resign or I will file charges. That goes for all of us. We are workers of government and we serve the people,” anang Pangulo.

Magugunitang ibinulgar ni dating Customs spokesperson Atty. Erastus Sandino Austria na gawa-gawa lamang ang entrapment operation na iginigiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa P1 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska sa isang warehouse sa Malabon City .

Sinabi ni Austria na dati ring district collector sa Manila International Container Port, walang katotohanan ang claim ng PDEA na “controlled delivery” ang ginawa ng ahensya para lumutang ang mga sindikato ng droga kapag sumali sa public bidding.

Batay sa report, aabot sa 146 kilos ng shabu ang narekober sa Goldwin Commercial Warehouse sa Malabon nitong Mayo na ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino ay galing sa Golden Triangle syndicate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?