6,452

By

Duterte: Para hindi baon sa utang ang mga guro, mga nagpa-5-6 patayin

Para matapos ang kalbaryo ng mga guro sa pagbabayad ng utang, iminungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na barilin o sagasaan ang mga nagpapahiram ng pera sa pamamagitan ng “5-6” scheme.

Inihayag ito ng Pangulo sa harap ng tila hindi umano pagiging kuntento ng mga guro sa pinirmahan nitong dagdag-sahod para sa mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Salary Standardization Act of 2019.

Sinabi ng Pangulo na kung mayroon lamang sobrang pondo ay hindi naman ito ipagkakait sa mga guro pero dahil tama lamang ang pera ng gobyerno ay dapat na makuntento muna sa bagong dagdag-sahod.

“Itong mga teachers, galit. ‘Yung mga teachers na sumisigaw na ano. Hindi puwede. Wala akong pera ganun kalaki,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na batid nito ang sakripisyo ng mga guro dahil naging public school teacher din ang kanyang namayapang ina, at alam nito na kabi-kabila ang loans ng mga ito sa pribadong kumpanya at tao.

“Kung meron lang, eh bakit hindi? Nanay ko public school teacher. My mother was a retired school supervisor — public. Kung meron lang. At alam ko ‘yang maghiram. Maghiram ‘yung 5-6. Gusto talaga ninyo tapusin 5-6? Patayin ninyo lahat mga Turko dito. Lahat. Sagasaan mo, barilin mo, tapos ang 5-6,” dagdag pa ng Pangulo.

Kasabay nito binigyang-katwiran ng Presidente ang malaking sahod na ibinigay sa mga sundalo at pulis dahil sila aniya ang mga agad na nauutusan at nagiging utility boy kapag may nagaganap na sakuna o kalamidad para tumulong sa mga naapektuhang mamamayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?