119
‘Duterte Magic’ susi sa tagumpay ni Tolentino

‘Duterte Magic’ susi sa tagumpay ni Tolentino

Ni John Carlo M. Cahinhinan

DAVAO CITY – Aminado si administration senatorial bet Francis Tolentino na malaki ang naitulong ng nakuha niyang personal na endorso mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang matagumpay na senatorial bid.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag matapos mapabilang sa mga kandidato sa pagka-senador na inaasahang ipoproklama anumang araw matapos pumasok sa tinatawag na Magic 12 sa katatapos lamang na halalan nitong Lunes.

Ayon kay Tolentino, ito ang unang beses na nagkaroon siya ng presidential endorsement at napasama ang pangalan sa mga sample ballot na ipinamimigay sa mga lokal kaalyado ng Pangulo sa kani-kanilang mga balwarte.

“Malaki (ang naitulong ni Pangulong Duterte). I never had a presidential endorsement before (noong una kong takbo). First time po ito. Napakalaki nun,” saad ni Tolentino sa isang panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC).

Paliwanag pa ng dating chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang paulit-ulit na pagbanggit sa kanyang pangalan hindi lamang ng Pangulo, kundi pati na din ni Davao City Mayor Sara Duterte ay malaki ang naiambag sa kanyang tagumpay.

“It really showed hid trust and confidence on his candidates. Nakatulong talaga ng malaki ‘yun,” saad ni Tolentino.

Kasalukuyang nasa pang-siyam na puwesto si Tolentino base sa datos mula sa transparency server ng Comelec at nagtala ng higit sa 14.957 milyong boto na mula sa 95.1 porsyento ng mga election returns sa buong bansa.

Aminado si Tolentino na mas nahirapan siya sa kampanya ngayong taon kumpara noong una siyang tumakbo bilang senador noong 2016, dahil mas maraming kilalang kandidato maliban sa kanya, bukod pa na karamahin din sa mga ito ay mga reelectionist o dati nang naging senador.

Hindi inaasahan ng ilang eksperto ang pagpasok ni Tolentino sa Magic 12 sa katatapos lamang na halalan dahil kung pagbabasehan ang mga huling pre-election survey bago ang Mayo 13 labas-pasok ang kanyang mga numero sa listahan ng winning circle at umabot pa sa punto na umabot ito sa pang-17 pwesto.

“Sipag lang din talaga. Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng sumuporta,” saad ni Tolentino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?