591

Jan 17, 2019 @ 18:55
By

Duterte isang satanista – Trillanes

Natitiyak ni Senador Antonio Trillanes IV na walang mangyayari sa mungkahing dayalogo sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng liderato ng Simbahang Katoliko.

Tahasan nitong sinabi na satanista ang Pangulo na hindi gumagalang kay Hesukristo kaya lalong malabong gumalang sa mga obispo at pari.

“Hindi ba ilang beses na nilang sinubukan? Talagang satanista itong si Duterte. Wala nang magagawa roon. Nakita niyo naman pati si Jesus ininsulto na. Wala nang magagawa diyan. Beyond salvation na, kumbaga sinusunog na ang kaluluwa niyan,” sabi ni Trillanes.

Si Senate President Tito Sotto ang nagmungkahi ng dayalogo at nag-alok na maging tagapamagitan.

Nakikipag-ugnayan na umano si Sotto sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) habang tumitiyempo siyang makausap si Duterte.

“Well, good luck to SP (Senate President) Sotto. Pero malabo na ‘yan kasi nakita niyo may pinaghuhugutan si Duterte,” dagdag nito.

Sabi pa ni Trillanes, inimbento lang ng Pangulo na minolestiya ito ng isang pari noong bata pa ito para may dahilan na laging banatan ang mga pari at obispo.

Hindi niya kinakagat ang kuwento ng Pangulo na inabuso ito.

Idiniin na anak ng gobernador noon ng Davao del Norte si Duterte kaya tiyak itong may mga bodyguard at hindi pagtatangkaan na abusuhin ng pari.

“I doubt na minolestiya ‘yan. Baka may nakakuwentuhan lang ito nung high school siya, anak ng governor ‘yan so matatakot sa kaniya,” diin pa ni Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?