100
DOTr, LTFRB nagbabala sa mga abusadong taxi driver
Dec 15, 2019 @ 18:50
By

DOTr, LTFRB nagbabala sa mga abusadong taxi driver

Hindi palalampasin ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ginagawang kalokohan ng mga abusadong taxi driver na nanlalamang sa publiko, partikular na sa mga foreigner na pasahero.

Nabahala kasi ang dalawang ahensya matapos lumabas at kumalat sa social media, sa pamamagitan ng Facebook blog video ng isang Bisayang Hilaw, ang “Pinoy social experiment on taxi drivers” bilang pagpapatunay na mayroong mga taxi driver na mapagsamantala habang mayroon din namang mga tapat na tsuper.

Base sa kumalat na trending video, naka-11 dishonest taxi driver ang Bisayang Hilaw kasama ang dalawang Foreign Pinay, kung saan sumakay sila ng taxi at nagpahatid. Agad namang humirit ang taxi driver ng “dagdag na pasahe,” “sira ang metro,” “malayo,” “traffic kaya dagdag-pamasahe,” “fixed rate na P500 hanggang P600,” at kung anu-anong dahilan pa ang sinabi.

Ayon pa dito, mas mataas sila maningil kumpara sa Grab car na nasa P390 lamang habang sa taxi driver ay naniningil ng P500.

Hindi naman natuwa ang tatlong banyaga sa panloloko ng 11 nabidyuhang taxi driver at nadismaya sila sa inasal ng mga driver.

Samantala, mayroon namang tatlong honest taxi driver ang na-videohan ng Bisayang Hilaw na sina Ray ng Dipolog; Francisco ng Tacloban, at Richard ng Manila na gumamit ng metro para isakay ang mga foreigner at bilang gantimpala ay binigyan sila ng P1,000 dahil sa pagiging tapat.

Kaugnay sa 11 nabidyuhang taxi driver, hindi umano palalampasin ang kanilang kabulastugan at pang-aabuso na siyang sumisira sa imaheng patuloy na pinaghihirapang itaguyod ng mga taxi driver.

Kaya naman, nagbabala ang DOTr, mas paiigtingin pa ang kampanya laban sa mga taxi driver na lantarang sumusuway sa pinatutupad na regulasyon.

Nanawagan din sila sa publiko na agarang ipagbigay-alam sa DOTr o LTFRB ang mga insidenteng katulad ng nasa video para agad maaksyunan, at kunin kung maaari ang mga detalye katulad ng pangalan ng taxi driver, pangalan ng operator o ‘yung may-ari ng prangkisa, plate number, at body number ng mismong abusadong taxi.

Mas mainam din umano kung may video o photo na matibay na ebidensya laban sa pasaway na taxi driver.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?