222

Jan 25, 2020 @ 13:04
By

Doncic umukit ng NBA record

Gumawa ng kasaysayan si Luka Doncic sa National Basketball Association at para sa Dallas.

Siya ang pangatlong player sa Mavericks franchise na ibinotong All-Star starter pagkatapos nina Dirk Nowitzki at Jason Kidd.

Noong kabataan pa, nagpupuyat si Doncic sa Slovenia para hintayin ang All-Star Game na madaling araw na ipinapalabas sa kanila.

Ngayon, hindi lang may simpleng appearance sa midseason extravaganza – starter pa. Kapos lang ng 163,724 ang tinanggap niyang boto sa nanguna sa West na si LeBron James (6,275,459).

Inisnab noong isang taon sa kanyang rookie year si Doncic, ngayon ay hindi na siya made-deny. Pang-MVP ang nilalaro niya ngayong season sa averages na 29.1 points, 9.7 rebounds at 9 assists.

Sa edad 20, pinakabata si Doncic na magiging starter sa All-Star pagkatapos ni LeBron noong 2005.

Kasama ang sophomore ding si Trae Young, 21, ng Atlanta Hawks na starter din sa West, pangalawang pagkakataon sa NBA All-Star Game na may multiple 21-and-under starters.

Unang nangyari ito noong 1998 kina Kobe Bryant (19) at Kevin Garnett (21). Huling taon na may multiple second-year players na starters sa iisang All-Star Game noong 1996 kina Grant Hill at Kidd.

Sa Feb. 28 pa magiging 21 si Doncic, kaya sa Feb. 16 sa Chicago ay siya ang magiging youngest European player na lalaro sa All-Star Game at ninth player sa kasaysayan ng NBA na sasalang sa edad 20 o mas bata.

League-leader si Doncic sa triple-doubles ngayong season sa 12, pangalawa lang sa kanya si LeBron na inekisan ang pang-10 sa Brooklyn Huwebes ng hapon. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?