43

By

DOJ utos na pakawalan muna ang Marawi VM na arestado sa rebelyon

Iniutos ni Senior State Prosecutor Peter Ong na palayain muna si Marawi City Vice Mayor Arafat Salic at sa halip ay isalang na lang muna ang reklamong rebelyon sa regular preliminary investigation.

Kanina ay pormal ng isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group ang reklamong rebelyon laban kay Salic dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa pagkubkob ng Maute-ISIS group sa Marawi City noong May 23, 2017.

Si Salic ay inaresto noong Miyerkoles na kabilang sa naisyuhan ng arrest order na ipinalabas ng Office of the Martial Law Administrator nuong September 4, 2017.

Sa pagharap nila sa Department of Justice (DOJ) ay sinabi ng isa sa mga testigo na si Abdul Hamid na papunta raw siya sa Raya Madaya sa Ferry Street sa Marawi noong Mayo 23, 2017 para iligtas ang kanyang pamilya nang nakita niya ang Vice Mayor na may minamanduhang mga tao.

Kasama rin umano ni Vice Mayor Salic ang kanyang kapatid at walong iba pa na hindi na nakilala dahil nakatakip ang kanilang mga mukha.

Nagpaputok pa umano ng baril ang bise alkalde ng tatlong beses sabay sabing ‘Allahu Akbar’.

Ayon naman sa isang testigo na si Walid Usman Rakman, nakita niya ang vice mayor sa parehong kalsada kinabukasan o May 24, 2017 dakong alas-3:00 ng hapon kasama ang mga armadong kalalakihan.

Nanindigan naman ang CIDG na may ligal na basehan ang pag-aresto nila kay Salic base na rin sa warrant na inilabas ni Defense Secretary at martial law administrator Delfin Lorenzana.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?