29

By

DOJ: Mga ulat na pagkamatay sa Bilibid, hindi related sa demolisyon

“Nothing out of the extraordinary.”

Ganito inilarawan ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Deo Marco ang impormasyong kanyang natanggap mula sa Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay ng mga napaulat na pagkamatay sa New Bilibid Prison (NBP).

Ayon aniya sa BuCor, ang mga kamakailang pagkamatay sa loob ng NBP ay maitururing na “nothing out of the extraordinary” gayong nangyari umano ang pagpanaw ng inmates bago pa man i-takeover ang ahensya ni Director General Gerald Bantag.

Itinanggi rin ni Marco na konektado ang pagkamatay ng 29 inmates sa ongoing na demolisyon ng mga kubol na ginagamit ng high-profile prisoner sa loob ng NBP.

Ani Marco, wala pa itong natatanggap na anumang brutality complaint laban sa inmates na nasa NBP nitong mga nakaraang araw.

Inabisuhan na rin aniya ang BuCor, sa pamamagitan ni spokesperson Wena Fe Dalagan, para alertuhin ito sa oras na magkaroon ng kaso kaugnay ng isyu.

“As of now there is no report (of brutality). The report given to me was that everything was normal except for the demolitions. But the cause of these deaths were not related to the ongoing demolition,” ayon kay Marco.

Sinabi pa ni Marco na hindi totoo ang mga alegasyong walang gamot sa naturang kulungan dahil mayroong access aniya sa mga gamot ang mga inmate sa Bilibid.

“They did not prohibit the medicines from entering (the prison facility). There had been allegations that some of the inmates died because they had no medicines, but that was not true. This was denied by DG Bantag,” sabi pa niya.

Sa 29 NBP inmates na pumanaw, 10 dito ang namatay dahil sa communicable diseases habang ang 14 ay dahil sa non-communicable ailments.

Ang natitira namang limang inmates ay isasailalim pa sa awtopsiya para mapagtanto ang kanilang pagkamatay.

Napaulat naman na namatay ang 29 inmates 15 araw o mula October 9, mula nang simulan ng government agencies ang pag-demolish sa mga kubol. (Anne Lorraine Gamo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?