117

Jan 27, 2020 @ 19:06
By

DOH nagbabala sa pagkain ng kilawin

Pinaiiwas muna ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipino sa pagkain ng hilaw na karne gaya ng kilawin sa harap ng Wuhan coronavirus na kumalat na sa ilang bansa.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque sa Laging Handa press briefing sa Malacañang na maraming mikrobyong maaaring makuha sa pagkain ng hilaw na karne gaya ng kilawin kaya iwasan ang pagkain nito.

Marami aniyang sakit ng tao na nagsimula sa mga hayop gaya ng SARS virus na nanggaling sa alamid, ang sakit na HIV-AIDS na nanggaling sa chimpanzees, ang African Swine Fever galing sa baboy at MERS-CoV na nanggaling sa paniki at kumalat sa camel.

“Huwag kakain ng hilaw. Never eat raw meat. Maraming sakit na maaaring ibigay sa atin ‘yan. Wala pong kabutihang idudulot ‘yan kundi kapahamakan. ‘Yang mga kilawin itigil muna natin ‘yan kasi maraming mikrobyo rin ‘yang mga ‘yan,” ani Duque.

Inaasahan na ng kalihim na may mga magagalit sa kanya sa pagpapatigil sa pagkain ng hilaw na karne lalo na ang mga mahilig uminom na ginagawang pulutan ang mga ito.

Para naman aniya sa mga mahilig kumain ng hilaw na isda gaya ng sashimi, pinayunan ni Duque ang publiko na dapat kumain sa mga kilalang restaurant na mayroong reputasyon ng malinis at maayos na paghahanda.

“Sashimi? OK lang naman ‘yang sahsimi pero dapat sa mga kilalang restaurant na mayroong reputasyon na talagang malinis at maayos sila,” dagdag pa ni Duque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?