261

Jan 24, 2020 @ 20:14
By

DOH nagbabala sa pagkain ng exotic food

Binigyan ng babala ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat sa lahat ng kanilang mga kinakain, partiku­lar na ang tinatawag na exotic food.

Ito ay kasunod ng mga ulat na maaaring paniki at ahas ang pinagmulan ng 2019 novel coronavirus (2019 NCoV).

Gayunman, nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na wala pang kumpirmasyon sa naturang mga report pero mabuti nang maging maingat ang lahat.

Ayon kay Duque, may ilang sakit na rin kasi na napatunayan na nanggaling sa mga hayop, gaya ng SARS na mula sa civet cat, habang ang Ebola virus naman ay sinasabing galing naman daw sa mga paniki at unggoy.

Sinabi ni Duque, hindi naman­ bago ang pagkain ng mga exotic food, gaya na lamang sa Pilipinas na may mga taong sumusubok sa iba’t ibang pagkain.

Hinikayat ni Duque ang publiko na kung maaari ay huwag­ nang kumain ng mga pagkain na posibleng magdulot ng panga­nib sa kalusugan.

Kailangan din umanong matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang kalusugan at buhay ng sinuman, kung hindi mapipigilan ang pagkain ng mga kakaibang pagkain lalo na ang mga karneng hayop.

Mas mainam pa rin na kumain ng mga masusustansiyang pagkain.

Bukod pa sa dapat tiyakin na maayos at malinis ang pagkakahanda ng mga pagkain at tiyakin na lutong-luto para matiyak na ligtas kainin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?