28

Mar 4, 2020 @ 17:58
By

DOF, BSP inutil sa ‘dirty money’ – Pangilinan

Nakitaan diumano ng kapabayaan ang Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang government agency hinggil sa pagpasok ng ‘dirty money’ ng mga Chinese sa Pilipinas.

Ayon kay Senador Francis Pangilinan, kailangang magkaroon ng ngipin ang BSP at DOF para matukoy at mapigilan ang money laundering kung saan umabot sa mahigit $447 bilyon o P22.69 bilyon ang pumasok sa bansa nitong nagdaang limang buwan.

“Apektado ang imahe ng ating banking at financial sector sa ganitong mga pangyayari at maaaring magkaroon ng agam-agam ang mga investor,” pahayag ni Pangilinan sa kanyang text message sa Abante.

“Kaya dapat ipakita ng DOF at BSP ang mga ngipin nito para harapin at ayusin ang nasabing usapin,” dagdag pa nito.

Dismayado naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil hindi magawa ng AMLC na ma-trace ang mga ‘dirty money’ na posibleng ginagamit sa kaduda-dudang mga transaksiyon.

“Given the technology today, mayroon dapat silang kakayahan na i-trace. Sa ngayon, sigurado ako na mayroon silang kakayahan para i-trace yung mga pinasok sa casino and banks, particularly,” sabi ni Drilon sa panayam sa DZMM.

“Yung mga covered institutions, may compliance officer iyan na magsasabi sa AMLC na dapat i-report yung mga suspicious transactions,” dagdag nito.

Para naman mabawasan at mahinto ang pagpasok ng ‘dirty money’ sa bansa, iminungkahi ni Drilon na ipasa na lang nang tuluyan ang POGO sa bansa.

“Sa akin, ang solusyon ay isara natin ang POGO. Wala namang dagdag sa ating ekonomiya. Kung meron man, maliit lang. Tumataas lang ang real estate price, nagkakaroon ng bubble sa real estate,” ani Drilon.

“Ang advantage dahilan sa POGO ay sobrang liit kumpara sa mga disadvantage. Nagiging labahan ng mga POGO player itong ating bansa. Isara na yung mga POGO. It does not bring us any substantial benefit,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?