19
apac
By

Dichoso buena-manong gold sa 2018 PH athletics c’ship

Maalingawngaw na binanda ni Macrose ‘Nona’ Dichoso ang kanyang pagbabalik sa loob ng isang linggo, inuga ang 2018 Ayala Philippine Athletics Championships sa City of Ilagan Sports Complex track oval dito sa Brgy. San Felipe kahapon ng umaga nang daklutin ang buena-manong gold medal sa 10,000-meter run women’s division.

Tinugaygay ng 24-anyos na sundalo (PFC), tubong Santa Rosa City pero nakabase na sa Taguig City, ina ng apat na taong-gulang na lalaki (Angel Bird)at kinuha na ang solong trangka sa panlimang ikot ng 25-lap footrace sa loob ng 39 minutes at 41 seconds sa anim na araw na pagtitipong mga hatid ng Ayala Corporation, City of Ilagan, Milo at Philippine Sports Commission.

Ang oras ay personal best sa sorpresang pagprimera ng 5-foot-2 runner laban sa mga beteranang karibal na mga dating miyembro ng national team.

Sinabit ang silver sa kakuwadra ni Dichoso sa Philippine Army na si 2009 Laos Southeast Asian Games at dating two-time National MILO Marathon queen Jhon Ann Banayag, 36, sa 40:30.87, at Lany Adaoag, 27, ng Team Titus na may clockings na 42:13.86.

“Sabi ni coach (Alvin Canada) mabagal ang pacing namin sa third lap pa lang. Ayaw nilang mag-lead kaya sabi niya kunin ko. Sa fifth solo at lumayo na ako,” kuwento ni Dichoso, tinigil sa ikatlong taon ang Education-MAHPE course niya sa University of the East-Recto dahil sa pagbubuntis, pinalaki muna ang anak saka nag-basic military training.

“Naka-recover na ako from four years off. Pero lumakas at mas naging competitive ako dahil din sa anak ko ,” hirit ng miyembro ng Ganda R na nagwagi sa 2nd Asics Marathon Relay noon lang Sabado, May 26 sa Pasay City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?