327

By

Desisyon sa electoral protest hindi luto – Bersamin

Nanindigan si Chief Justice Lucas Bersamin na hindi luto ang naging aksyon sa 2016 vice presidential electoral protest ni dating senador Bongbong Marcos laban kay VP Leni Robredo.

Ito ang iginiit ni Bersamin sa kanyang huling dalawang araw na panunungkulan bilang punong mahistrado ng Korte Suprema.

Sa isang ambush interview sa SC, sinabi ni Bersamin na hindi maaaring magkaroon ng lutuan sa Kataas-taasang Hukuman dahil umaakto sila nang naaayon sa batas at dahil marami aniyang sangkot sa isyu.

Inamin din ng punong mahistrado na ginusto niyang iantala muna ang paglalabas ng desisyon dahil ayaw na niyang mapasama sa botohan subalit kinakailangan aniya niyang bumoto dahil ito ang itinakda ng en banc.

Samantala, nilinaw naman ni Bersamin na hindi sa Korte Suprema kundi nasa pananaw ng magkabilang partido nina Marcos at Robredo ang kanilang pagdedeklara ng tagumpay sa kaso.

Sa Oktubre 18 ang nakatakdang pagreretiro ni Bersamin kung kaya hindi na siya makakasama sa susunod na deliberasyon sa naturang petisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?