137
domestic-ban
By

Deployment ban din sa mga bansang walang batas sa DHs – senators

Nanawagan ang mga senador sa Malacañang na ipagbawal ang pagpapadala ng mga Filipinang household service worker o domestic helper sa mga bansa na walang batas para sa kanilang proteksiyon mula sa pag-abuso.

Nakapaloob ito sa Senate Resolution No. 676 na inakda nina Senate President Koko Pimentel, Senador Manny Pacquiao at Senador Antonio Trillanes IV at walang pagtutol na pinagtibay ng buong kapulungan.

Sa resolusyon, iginiit ang total ban sa mga bansa na hindi nagbibigay sa migrant workers ng karapatan at ng work conditions na katulad sa kanilang mga mamamayan.

Iginiit din na huwag nang magpadala ng manggagawa sa bansa na pinapayagan ang mga employer na ipitin ang Philippine passport.

Para lamang ito sa mga domestic workers dahil sila ang bukas sa pagmamalupit at pag-abusong pisikal at seksuwal.

Sa pag-eendorso ng resolusyon sa plenaryo, sinabi ni Pimentel, na hindi mapipigil ang mga Filipino na mangibang-bansa para magtrabaho dahil kapos ang oportunidad na makapagtrabaho rito pero dapat naman aniyang tiyakin na ligtas ang mga ito sa bansang pupuntahan.

Inihalimbawa ang sinapit ni Joanna Daniela Demafelis, household service worker sa Kuwait, na pinatay ng mga amo at natagpuang nakasiksik sa freezer dalawang taon mula nu’ng huling makausap ng mga magulang.

Inihalimbawa rin ang nangyari kay Irma Avil Edloy, na namatay sa isang ospital sa Saudi Arabia noong Agosto 2016 matapos pagmalupitan ng mga amo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?