71

By

Dating pulis todas sa ambush

Patay ang isang dating pulis matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman na nakasakay sa isang van sa Catbalogan City, Samar, Lunes ng umaga.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga tama ng bala ang biktimang si Roy Pagunsan, nasa hustong gulang at dating pulis.

Sa ulat na ipinadala ni Police Lt. Col. Bella Rentuya, tagapagsalita ng Eastern Visayas Police Regional Office (PRO), naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng umaga sa kahabaan ng Barangay Mercedes ng nabatid na lungsod.

Nabatid na lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima at pauwi na sana sa kanilang bahay nang sabayan ito ng isang van na walang plaka at pagtapat dito ay isang lalaki na armado ng M16 armalite ang rumatrat sa dating pulis.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang nasabing van at iniwang nakabulagta ang biktima sa kanyang natumbang motorsiklo.

Natanggal sa pagka-pulis ang biktima noong 2016 matapos itong masangkot sa isang nakawan ng sasakyan subalit na-dismiss ng korte ang kaso at kasalukuyang nilalakad ng biktima ang kanyang pagbabalik sa serbisyo.

Nakakuha naman ng 16 na basyong bala ng M16 armalite rifle ang pulisya sa crime scene habang patuloy ang imbestigasyon hinggil sa krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?