46

Feb 24, 2020 @ 17:32
By

Dapat noon pa! Sorry ng ABS-CBN kinagalak ng Palasyo

Nasa desisyon na ni Pangulong Rodrigo Duterte kung tatanggapin o hindi ang paghingi ng dispensa ng pamunuan ng ABS-CBN sa naging atraso sa kanya noong panahon ng 2016 presidential elections.

Kasunod ito ng personal na paghingi ng dispensa ni ABS-CBN executive officer Karlo Katigbak kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagharap sa imbestigasyon ng Senado sa kanilang prangkisa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagagalak ang Palasyo dahil inamin na rin ng ABS-CBN ang kanilang naging pagkukulang sa Pangulo na dapat ay noon pa nila ginawa.

“I’m glad finally ABS-CBN has admitted its shortcomings to the President. Dapat noon pa nila ‘yan ginawa,” ani Panelo.

Pero kahit nag-sorry na ang nabanggit na tv network, sinabi ng kalihim na nasa pagpapasya pa rin ni Pangulong Duterte kung tatanggapin ang paghingi ng dispensa ng ABS-CBN.

Sinabi ni Panelo na personal sa Presidente ang ginawa sa kanya ng nabanggit na TV network matapos hindi ipinalabas ang kanyang political ads noong panahon ng kampanya kahit nakapagbayad na ito, at sa halip ay mas binigyang importansiya ang political ad ni dating senador Antonio Trillanes IV para siraan ito.

“I do not know. Nasa Presidente ‘yun, its personal to him. That’s for him. Its personal thing. Matagal ng nangyari yun, kung hindi nag-alburuto sa yo saka ka lang hihingi ng paumanhin. I don’t know how to respond to that. I’ts a personal decision,” dagdag pa ni Panelo.

Ang ikinagalit aniya ng Presidente sa ABS-CBN ay ang pagiging mataas ng mga opisyal ng TV network dahil kahit alam na may kasalanan sila sa Pangulo ay hindi agad itinama ang kanilang pagkakamali.

“Alam n’yo na may atraso kayo, may ginawa ba kayo? Wala. Yun ang tinatawag na hubris, masyado kayong mayabang,” wika pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?