237

Update: Riot sa QC Jail, 2 na ang patay

Dahil lamang sa natapong tubig na inakalang ihi, nagkagirian ang tatlong grupo na ‘Bahala Na Gang’, ‘Batang City Jail’ at ‘Sputnik Gang’ kung saan isang preso ang namatay sa saksak habang ang isa naman ay sa bangungot sa Quezon City Jail (QCJ) kahapon ng madaling-araw.

Sa inisyal na report na natanggap ni QCJ jail warden Supt. Ermilito Moral, dakong alas-kuwatro ng madaling-araw nang magkaroon ng riot sa loob ng piitan na kagagawan ng mga nasabing gang.

Kinumpirma ng jail warden na namatay na sa ospital ang isang preso na nakilalang si Hermano Alfredo, miyembro ng Sputnik Gang, habang namatay naman ang sinasabing binangungot na si Edmundo Domondon, miyembro ng Bahala Na Gang.

Ayon kay Moral, nagsimula ang riot makaraang aksidenteng matabig ng miyembro ng ‘Bahala Na’ ang timba na may lamang tubig at mabuhusan ang kasalukuyang natutulog na miyembro ng Batang City Jail na inakala namang ihi at sadyang itinapon sa kanya.

Kinompronta ng natapunang preso ang kapwa niya inmate na nasa kabilang gang hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa at makialam na rin ang kani-kanilang mga miyembro at nagbatuhan ng mga kahoy, bato at upuan.

Nakarating ang ingay sa himpilan ng QCPD Station 10 sa ilalim ni Police Supt. Christian dela Cruz kung kaya’t agad silang nagresponde sa kulungan kasama ang Quezon City Police District-Special Weapons and Tactics (QCPD-SWAT) team at Bureau of Jail Management and Penology Special Tactics and Response (BJMP-STAR) team upang payapain ang kaguluhan.

Tumagal din ng mahigit isang oras ang riot bago ito tuluyang naawat ng pulisya.

Depensa ng Bahala Na Gang sa akusa sa kanila, aksidente ang pagkakatabig sa balde ng tubig dahil nagmamadali ang kasamahan nilang dumulog sa mga bantay dahil binabangungot umano ang isa pa nilang miyembro.

Nagkaroon ng clearing operation matapos ang insidente at kinausap naman ni Moral ang lider ng parehong grupo at inayos na magkasundo.

Nagkaayos din sa huli ang dalawang grupo at inaming isang hindi pagkakaunawaan lamang ang pinagsimulan ng gulo.

Kahapon ay muling nagsagawa ng ‘Oplan Greyhound’ ang mga tauhan ng QC jail sa pamumuno ni Moral upang matiyak na walang mga patalim sa mga selda ng mga preso. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?