28

Mar 23, 2020 @ 13:46
By

Dahil sa pakwan: Negosyante nambaril ng kelot, patay

Dahil pinaghinalaang kumuha ng pakwan, arestado ang isang negosyante matapos barilin at mapatay ang isang 47-anyos na lalaki sa Barangay Minanga, Tumauini, Isabela noong Linggo.

Kinilala ng Tumauini Police Station (TPS) ang suspek na si Arnold Taccad, 32, may asawa, ng nasabing barangay.

Samantala, ang biktima ay si Pedro Rosales, may asawa, ng Balug, Tumauini ng nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay TPS commander P/Maj. Rolando Gatan, na napadaan lamang sa sakahan na pagmamay-ari ng suspek ang biktima kasama ang apat na kaibigan na galing bukid para sa pangunguha ng gulay at paghuli ng ibon.

Ayon sa pulis, sinabi ng suspek na laging nawawala ang bunga ng mga tanim na pakwan ni Taccad kaya binantaan nito ang grupo na humantong sa mainitang pagtatalo.

Sa puntong, ito, bumunot ng baril ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang siya ay dead on arrival ayon sa mga doctor.

Nakakulong ngayon ang suspek sa TPS detention cell at kasong frustrated murder ang isinampa laban sa kanya

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?