27

Mar 24, 2020 @ 20:33
By

Dahil sa COVID-19: Panelo umiiwas sa mga kapamilya

Mahigpit na sinusunod ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang social distancing kahit nasa bahay ito para makaiwas sa peligro ng coronavirus disease 2019.

Sinabi ng kalihim na hindi sila sabay-sabay na kumakain ng kanyang asawa at isang anak para matiyak na iwas sa COVID-19.

Kung sakali aniyang magkakasama silang kumakain sa mesa, tinitiyak ng kanyang kabiyak at anak na ang distansiya nila ay isa at kalahating metro.

“Kami dito sa bahay may social distancing. Hindi kami sabay-sabay na kumain. Kung sabay sabay man kami, talagang ang distansiya namin isa at kalahating metro,” ani Panelo.

Maging sa puwesto ng pagkain sa mesa, sinabi ni Panelo na rasyon na ang ginagawa para hindi mahawakan ng isang miyembro ng pamilya ang nahawakan na ng kasama na lalagyan ng ulam.

“Pati sa paghatag ng ulam na nasa gitna, ngayon hindi na, kailangan ngayon rasyon. Kung nasa gitna ng mesa, kukunin mo ng kutsara mo yon, tapos kukunin din ng isa. Nakakaawa tayo pag meron na ang isa eh,”dagdag pa ni Panelo.

Naunang inihayag ng kalihim na hindi siya natatakot sa coronavirus dahil maingat aniya ito at malakas ang resistensiya dahil sa pag-inom ng bitamina at pagkain ng masustansiyang pagkain.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?