119

By

Dahil hindi magkasundo, babae tinodas ng live-in partner

Patay ang isang 24-anyos na babae matapos itong barilin ng kanyang kinakasama habang nasa gitna sila ng pagtatalo, Sabado ng umaga sa Barangay San Isidro, Antipolo City.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Angela Shynne Villanueva subalit binawian rin ng buhay dahil sa tinamong bala sa katawan.

Arestado naman ang suspek na si Joel Tongco, 42-anyos na driver at residente ng Bagong Nayon 2 sa nasabing barangay.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 4-A na pinadala ng Antipolo City Police, dakong alas-dos ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tahanan ng biktima.

Sa salaysay ng testigong si Lang Bonite, kapitbahay ng mag-live-in partner, bago ang krimen ay narinig pa niyang nagtatalo ang suspek at biktima hinggil sa hindi pa mabatid na bagay hanggang sa makarinig na lamang umano siya ng putok ng baril.

Nang alamin ang pinagmulan ng putok, nakita pa umano ng testigo ang suspek habang buhat-buhat ang duguang biktima na sinakay nito sa isang tricycle at saka sinugod sa pagamutan ngunit nasawi rin.

Kaagad namang pinaalam ng testigo sa mga kaanak ng biktima ang pangyayari, at humingi ng tulong sa pulisya kung saan mabilis na naaresto ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa Antipolo City detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang kalibre .38 revolver na may ilang bala pa, gayundin ang isang basyo ng bala nito na ipinangbaril sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?