48
Daan-daang pasahero naperwisyo sa tigil-operasyon ng MRT-3
By

Daan-daang pasahero naperwisyo sa tigil-operasyon ng MRT-3

Sinimulan na ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang unang araw ng taunan nilang maintenance shutdown na nagresulta ng pahirap sa daan-daan nilang mga train commuter.

Sa Pasay City MRT EDSA Taft Station ay maagang dumanas ng pahirap ang mga commuter sa pag-aabang ng masasakyang bus papuntang Makati, Mandaluyong, Pasig at Quezon City.

Ilang sa mga pasahero na nasa Malibay ang naghintay ng kanilang mga sasakyang bus dahil sa Baclaran pa lamang ay puno na at tayuan na kaya’t maraming na-stranded at na-late sa trabaho.

Dahil sa walang biyahe ang MRT, napilitang sumakay ng habal-habal ang ilan para makarating sa pupuntahan.

Sa unang araw, bakas sa mukha ng mga pasahero ang pagkainis dahil Lunes Santo ay nakaranas na ng kalbaryo dahil sa tigil-biyahe ng MRT 3.

Dahil dito,nagpasya na ang Department of Transportation (DOTr) na mag-deploy ng mas marami pang bus bilang alternatibong transportasyon sa mga susunod na araw.

Ayon kay Michael Capati, director for operations ng DOTr-MRT3, nasa 140 buses ang ipinakalat nila nitong Lunes upang magsakay ng mga train commuter na apektado ng suspensiyon ng biyahe ng MRT-3.

Gayunman, kapansin-pansin pa rin aniyang daan-daang pasahero pa rin ang nahirapang makasakay sa pagpasok sa kani-kanilang trabaho.

May ilang bus naman aniya ang nangailangang lumaktaw o mag-skip sa ilang pick-up points upang iprayoridad ang mga lugar na mas maraming pasaherong stranded.

Tatagal hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay, Abril 21 ang taunang maintenance shutdown ng MRT.

Samantala, ipapatupad ng DOTr ang bus deployment mula Lunes Santo hanggang Miyerkoles Santo at Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay sa layuning mabawasan ang impact sa mga pasahero ng pagtitigil ng biyahe ng MRT-3.

Wala namang biyahe ang mga bus ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Inaasahang magbabalik sa normal ang biyahe ng MRT-3 sa Lunes, Abril 22.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?