55

Apr 1, 2020 @ 17:23
By

DA kulang sa stock ng bigas – Gatchalian

Kailangang tiyakin ng gobyerno na may sapat na suplay na bigas sa merkado hindi lang dahil sa enhanced community quarantine period kundi sa katapusan ng taong ito, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Nagbabala ang senador na ang kasalukuyang rice inteventory ay maaaring magresulta sa inflation dahil mababa umano ang ideal na stock ng bigas ng DA sa kasalukuyan.

Sa kalkulasyon ni Gatchalian, sa tatlong buwang inventory dapat aabot sa 2.9 metriko tonelada ang stock ng bigas subalit batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot lang ito sa 2.3 metriko tonelada.

Sapat lang aniya ang nasabing stock sa loob ng 18 araw. Kapos umano ito ng 593,875 MT para sa ideal na stock inventory ng bigas.

Bagama’t nag-angkat na aniya ang gobyerno ng 300,000 metriko tonelada, nangangamba naman ang senador na magkaroon ng problema sa simula ng lean season mula Hulyo hanggang Setyembre kung patuloy na babawasan ng Vietnam ang kanilang export.

Nauna nang inihayag ng Vietnam na hindi na sila tatanggap ng bagong rice export contract dahil prayoridad nila ang kanilang pansariling konsumo ng bigas.

“Ang tanong dito kailan dadating ang karagdagang supply ng bigas dahil ngayon pa lang nagkakaubusan na ng stock sa mga pamilihan,” ani Gatchalian.

Dahil dito, nanawagan ang senador sa DA na gumawa ng contingency plan para maiwasan ang posibleng rice shortage sa bansa.

“Ngayong nasa gitna tayo ng isang krisis, ang isa sa pinakaimportanteng magagawa ng ating gobyerno ay siguruhin na may sapat sa hapagkainan ng bawat pamilyang Pilipino. Pero sa nakikita natin ay mayroon nang nangyayaring rice shortage,” punto ng senador.

Kailangan din aniyang magbigay ng subsidiya ang pamahalaan sa mga lokal na magsasaka para maibsan ang kanilang gastos sa produksiyon nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?