362

By

Cyclops? Kambing na may kakaibang mukha sa Koronadal pinagpiyestahan

Nagtaka ang publiko sa bagong silang na kambing sa Koronadal City, South Cotabato na pa-oblong ang hugis ng mukha, may isang malaking mata sa gitna, at baluktot ang bibig.

Sa ulat ng Jack Radio Online noong Setyembre 19, 2019, sinabi ng may-ari na si Danilo Dacquel na hindi niya inasahan at maipaliwanag ang naging itsura ng kambing.

Isinilang ang hayop noong alas-nuwebe ng gabi, Setyembre 18, sa Purok Riverside, Brgy. Topland ng lungsod, ngunit namatay din daw agad, saad ni Dacquel sa parehong ulat.

Unang beses pa lang daw na ganito ang isinilang na anak ng alagang kambing ni Dacquel.

Samantala, walang naibigay na paliwanag ang City Veterinary Office sa itsura ng kambing.

Komento naman ng netizen na si Risk Taker, maaaring isa itong kaso ng cyclopia na isang congenital disorder kung saan hindi maayos na naghiwalay sa dalawa ang mga orbit ng mata, at/o hindi maayos na nahati ang kaliwa at kanang hemispero ng utak.

Madalas, ilang oras lamang nabubuhay ang mga isinilang na may ganitong uri ng birth defect.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?