26

Mar 24, 2020 @ 14:53
By

COVID-19 test lab sa Marikina, ‘di pa pinapayagan ng DOH

Hanggang ngayon ay hindi pa makapag-operate ang testing lab para sa coronavirus sa Marikina City.

Ayon sa alkalde ng lungsod na si Marcy Teodoro, hindi pa kasi umano nilalabas ng Department of Health ang final report sa kanilang testing facility.

Sa panayam kay Teodoro sa dzBB, Lunes ay nasuri na ng DOH ang kanilang testing lab, na handa niyang ipagamit sa mga karatig-bayan tulad ng Pasig at ilang lugar sa Rizal.

“Dapat po kahapon po kami nagsimula, pero pinigilan po kami ng DOH dahil i-aassess muna raw nila at i-evaluate. Naiipit kami sa regulatory requirement,” saad ni Teodoro.

“Initially, ang assessment maayos naman pero ‘yun nga hinihintay ko ‘yung final report,” aniya pa.

Aniya pa, handa silang ibigay ang pamamahala sa DOH ng testing center para lang magamit na ito.

Matatandaan na isa ang Marikina sa unang bumili ng mga COVID-19 test kit mula sa Manila HealthTek Inc.

“Kung gusto nila, I could turn over the facility to DOH para sa ganun sila na ang mamamahala. Tulong na po ‘yun ng local na pamahalaan,” aniya pa.

“Ang aking pinaggigiitan lamang po, magkaroon tayo ng mas maraming available na test kits, mas maraming testing centers na magagamit ang ating mga kababayan. Makaka-access sila. Hindi issue kung sino ang magma-manage o sino ang mamamahala,” giit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?