67

By

Community service imbes na kulong sa mga magagaan na kaso, batas na

Sa halip na makulong, maaari nang community service ang parusa sa mga nagkasala ng light offenses o yaong may hatol na pagkakulong ng isang araw hanggang anim na buwan.

Ito ay matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11362 na nagpapahintulot sa mga korteng gawing community service na lang ang parusa sa mga pinatawan ng arresto menor at arresto mayor.

Kabilang sa mga light offenses ang “alarm and scandal,” “malicious mischief” o intensiyonal na pagsira ng mga gamit o bagay at panggugulo sa isang religious activity o iba pang pagtitipon.

Sa ilalim ng nabanggit na batas, gagawin ang community service sa lugar kung saan ginawa ang krimen, at ang korte ang magtatakda kung hanggang kailan gagawin ang community service na depende sa bigat ng nagawang kasalanan.

Dapat ding isaalang-alang ng korte ang komunidad kung saan gagawin ang community service at kapag hindi nagawa ng preso ang kanyang serbisyo ay maaaring ipag-utos ng korte ang muling pag-aresto dito.

Kailangan ding sumailalim sa rehabilitative counseling ang hinatulan sa pamamagitan ng superbisyon ng Social Welfare and Development Officer.

Inatasan ang Department of Justice at ang Department of Social Welfare and Develpement na bumuo ng implementing rules and regulations siyamnapung araw matapos maging epektibo ang batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?