200

By

Comelec namumulitika rin? Pangilinan naasar sa pagtalagang dominant party ng NP

Binuweltahan ni Liberal Party president Kiko Pangilinan ang naging desisyon ng Commission on Election na italaga ang Nacionalista Party na dominant minority party ilang araw na lang bago ang eleksyon.

Saad ni Pangilinan, hindi niya maeksplika lalo’t magkakamping partido ang NP at PDP-Laban ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Paano naman nangyari yun eh magkaalyado ang PDP at NP sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon?” ayon kay Pangilinan.

“Sila na ang majority, sila pa rin ang minority? Ang alyansang PDP NP na ba ang bagong KBL?” aniya pa.

Tila hindi umano naging patas para sa oposisyon ang call ng mga Comelec Commissioner at inihalintulad pa ito sa naging isyu noon sa Kongreso.

“Walang pinagkaiba ito sa naging pasya at pamumulitika ng mga politiko sa House of Representatives nang hirangin bilang speaker si GMA at ihalal naman bilang minority leader ang kaalyado at kapartido nito na si Rep. Danny Suarez,” giit niya.

“Namumulitika na rin ba ang Comelec?”

Higit pa dito, inarayan din ni Pangilinan dahil hindi na makakaapela ang kanilang partido dahil sa kakulangan ng oras.

“Lumabas ang desisyon kahapon, May 9, 2019 o apat na araw na lang bago ang araw ng eleksyon. Wala ng oras mag-apela. Sinadya ba ito?” tanong pa.

“Malaking kalokohan. Dapat tutulan. Tututulan hanggang sa Korte Suprema. Walang atrasan. Walang pagsuko,” panapos ng party leader.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?