51

By

Comelec hindi babalik sa manual counting ng mga balota

Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nila magiging opsyon ang mano-manong pagbibilang ng mga balota sakaling pumalpak at magkaaberya ang mga vote counting machine (VCM).

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, hindi sila hahantong sa mano-manong proseso dahil nakasaad sa kanilang kasunduan na kailangang palitan ang mga depektibong makina para sa automated counting.

“We should wait for the replacement of the defective VCM. Hindi tayo babalik sa manual counting. Hihintayin po nating mapalitan ang makina,” ani Jimenez.

Idinagdag niya na nasa desisyon na ng Board of Election Inspectors kung iipunin muna ang mga balota habang hinihintay ang kapalit na VCM.

Karaniwan na rin umanong sinususpinde ang bilangan sakaling ma-delay ang pagdating ng makina.

Kabilang sa mga lugar na pumalya ang VCM ay kinabibilangan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao; Mohammad Tulawie Central School sa Jolo, Sulu; Malabon City National High School, Precinct IIIA sa Barangay Balabag sa Kidapawan City; Marawi City Precinct 81; at Sta. Lucia Elementary School sa San Juan City.

Napuno naman ng tensyon ang isang presinto sa Puerto Princesa, Palawan matapos na umusok ang isang VCM dito.

Umaabot sa 85, 000 ang mga VCM na itinalaga ng Comelec para sa pagdaraos ng May 2019 elections.

Sinabi ni Jimenez na mayroon din silang 7,000 VCM na nakareserba para sa mga depektibong makina.

Sa kabila ng mga problemang ito, naging maayos at payapa naman aniya sa pangkalahatang pagdaraos ng national at local elections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?