57

By

CIDG kasado na sa pag-aresto sa mga hindi susukong preso na napalaya sa GCTA

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging makatao sila sa gagawing pag-aresto sa mga presong napalaya sa Good Conduct Time Allowance o GCTA law, na hindi pa rin susuko hanggang sa ibinigay na deadline.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, ipinaiiral ng PNP ang paggalang sa human rights ng mga suspek sa lahat ng kanilang operasyon.

Una na ring sinabi ni PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde na gagamit lang ang mga pulis ng ‘necessary force’ para ipagtanggol ang kanilang sarili kung manlaban ang mga tinutugis na preso.

Magugunitang inatasan ng Pangulo ang PNP na i-account ng ‘dead or alive’ ang lahat ng convicts na napalaya sa ilalim ng GCTA na hindi susuko bago matapos ang deadline hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ng Setyembre 19.

Sinabi pa ni Banac na magiging masigasig ang PNP sa kanilang manhunt operation meron man o walang reward.

Matatandaang inanunsyo ng Pangulo na magbibigay siya ng P1 milyong pabuya sa sinumang makakahuli ng ‘preferably dead’ sa mga naturang pugante.

Nakahanda na rin ang 121 tracker team ng PNP Criminal Investigation and Detection Groups na siyang hahabol sa mga preso na hindi kusang-loob na susuko sa ibinigay na takdang araw.

Sa ngayon ay mahigit sa 1,000 sa kabuuang 1,914 preso na napalaya sa ilalim ng GCTA na ang sumuko sa iba’t ibang himpilan ng pulisya at Bureau of Corrections.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?