19

By

Chinese kulong sa bitbit na shabu

Sa detention cell ng Pasay City Police headquarters ang bagsak ng isang Chinese national makaraang mahulihan ng shabu sa kanyang bag, Lunes ng hapon sa lungsod.

Kinilala ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, ang nadakip na suspek na si Li Qi, alyas “Loe Li”, 26, binata, walang trabaho at pansamantalang naninirahan sa Donada St., Barangay 36 Zone 3, ng naturang lungsod.

Batay sa report, alas-3:30 ng hapon nang respondehan ng mga opisyal ng barangay at tanod ang nagaganap na komosyon sa isang unit na inuupahan ng isang Mr. Cho Cheol.

Inimbitahan sa barangay hall si Cho at kanyang tenant na si Li.

Sa loob ng barangay hall, sinabi ni Cho na nag-away sila nang madiskubreng may iligal na droga sa bag ni Li.

Nang pabuksan ang bag, dito tumambad ang dalawang maliit na timbangan na ginagamit sa pag-repack ng droga, isang aluminum strip at dalawang bukas na maliit na plastic sachet na may bakas ng puting pulbos na hinihinalang droga.

Dito inaresto si Li at isinuko sa Pasay City Police.

Isinasailalim naman sa pagsusuri ang ebidensyang nakuha sa suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa kanyang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?