38

Cha-cha ng Kamara, walang patutunguhan – Lacson

Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na walang pupuntahan ang pagpupumilit ng Kamara na maamyendahan ang Konstitusyon.

Bukod sa wala nang panahon para ito maatupag ng Senado, hindi rin sila pabor sa gusto ng Kamara sa mga gagawing pagbabago sa Konstitusyon.

Una rito, inaprubahan ng Kamara ang panukalang Resolution of Both Houses No. 15 kung saan pinaaprubahan ang bagong Konstitusyon na magsasalin sa gobyerno tungong federal system.

Ayon kay Lacson, hindi rin papalo ang gustong mangyari ng Kamara dahil hindi umaayon sa Federal Constitution na binalangkas ng Consultative Committee na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Wala. Lalo ngayong hindi nasunod ang ginawa ng commission (Consultative Committee), malayong-malayo kasi ito parang masyadong politicized,” sabi ng senador.

“May term extension, walang term limits, etc.” dagdag nito.

Inamin naman ni Lacson na naging alerto sila sa joint session ng Senado at Kamara kahapon kung saan pinaaprubahan ang pagpapalawig muli ng martial law sa Mindanao.

Nagsiguro umano silang mga senador na hindi hihirit doon ang mga kongresista na isalin ang joint session tungong constituent assembly na aamyenda sa Konstitusyon.

“Kaya kami nagbantay, hindi kami umalis hanggang mag-adjourn. Baka biglang joint session ma-convert sa Cha-cha (Charter change). But that’s a wild suspicion. Katunayan, nakapag-adjourn nang maayos,” sabi pa ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?