54

By

Ceasefire sa bangayan, siraan ng magkakalabang partido suportado ni Bong Go

Pabor si dating Special Assistant to the President at ngayon ay senatoriable na si Christopher “Bong” Go na magkaroon ng ceasefire sa siraan ng mga magkakalabang partido sa panahon ng kampanya.

Ito ang tugon ni Go sa desisyon ni Hugpong ng Pagbabago Chairperson Mayor Sara Duterte-Carpio na itigil na ang pakikipagbangayan sa mga kandidato ng oposisyon.

Ayon kay Go, mas pabor siyang malinis ang kampanya dahil yun naman talaga ang hangad ng administrasyon, ang humarap sa taumbayan at ilatag ang kanilang plataporma nang walang sinisiraan.

Binigyang-diin ng dating top aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay hayaan na lamang ang mga botante na pumili ng mga kandidatong sa tingin nila ay tunay na magsisilbi sa sambayanan.

Iginiit pa ni Go na naging normal na ang siraan sa tuwing eleksyon pero mas pipiliin niyang humarap sa tao na malinis ang pangangampanya.

Matatandaang naging palaban ang anak ng Presidente sa pagbanat sa mga kandidato ng Otso Diretso na kalabang partido dahil sa pagpupumilit ng mga kandidato ng Liberal Party na magkadebate ang mga kandidato ng administrasyon.

Hinamon pa ni Mayor Sara ang mga LP candidates na siya na lamang ang haharap sa debate sa lahat ng walong kalabang kandidato.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?