46
CBCP sa mga OFW: Manalangin bago bumoto
By

CBCP sa mga OFW: Manalangin bago bumoto

Pinayuhan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga botanteng overseas Filipino worker (OFW) na magdasal bago makibahagi sa overseas absentee voting (OAV) sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, mahalagang ipanalangin ng bawat isa ang patnubay ng Panginoon sa kanilang pagpili ng mga opisyal ng bayan para sa kapakanan ng mamamayan.

Iginiit ng Obispo na dapat piliin ng mga OFW ang mga opisyal na hindi ibubulsa o nanakawin ang kanilang mga pinaghirapang padalang pera o remittance na malaki ang ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

“Our dear OFWs as you start OAV pray first, think about who will really help you and truly work for the good of country. Vote wisely, choose for those who will not steal your remittances nor pocket them,” ani Santos.

Aniya pa, dapat ay magsisilbing mabuting ehemplo sa lipunan ang susunod na mga lider.

Pinakamahalaga umano na mayroong takot sa Diyos ang mga mahahalal na opisyal na kikilala hindi lamang sa batas ng tao kundi maging sa batas ng Diyos.

“Decide for those who have goodness, that is, will do good, has good manners and has good examples to imitate. And lastly remember God, vote for those who fear God, honor God and fulfill His commandments,” dagdag pa ni Santos.

Nagsimula ang OAV noong Abril 13 at magtatagal hanggang sa Mayo 13. Maaaring bumoto ang mga OFW sa mga embahada, konsulado at sa iba pang mga itinalagang voting centers ng Commission on Elections.

Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) aabot sa 1.8-milyon ang rehistradong overseas absentee voters na binubuo ng mga OFW na naninirahan at naghahanap buhay sa iba’t ibang bansa na karamihan ay matatagpuan sa Saudia Arabia, United States, Singapore at Hong Kong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?