130

Feb 24, 2020 @ 18:13
By

Cayetano sa pagdinig ng Senado sa ABS-CBN franchise: Pa-epal lang kayo

Sa isinagawang pagdinig ng Senado sa usapin ng renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na marami lang umano ang gustong pumapel o umepal.

Bagama’t wala namang direktang pinatamaan si Cayetano ngunit una na itong sinita si Senadora Grace Poe, chair ng public service committee ng Senado, nang ipahayag nito ang planong pagdinig ng komite sa naturang usapin.

Muling pinaninindigan ni Cayetano na malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na ang usapin sa prangkisa ay eklusibong manggagaling sa Kamara.

“Ang stand ko na paulit-ulit kong sinasabi na malinaw na malinaw sa Konstitusyon, (franchise) shall exclusively originate from the House,” ayon kay Cayetano.

Dahil dito, ayon kay Cayetano, hindi niya makita ang rason ng Senado sa ginawa nitong pagdinig gayong malinaw sa Konstitusyon na dapat sa Kamara ito magmumula.

Bukod dito, ayon kay Cayetano, hindi rin kailangang apurahin ang pagtalakay nito dahil hindi naman magsasara ang naturang TV network kahit na mag-expire na ang prangkisa nito sa Marso 30 at ito’y binibigyan niya umano ng kasiguraduhan.

Dahil dito, malinaw lamang na marami lang ang gusto umapel o gumawa ng eksena o sumipsip sa TV network.

“We’ve said from the start the reason why we think it’s important but not urgent dahil hindi naman tayo papayag na there will be a single minute na hindi magbo-broadcast ang ABS-CBN, ang problema maraming gustong umepal, maraming gustong maging part ng discussion, maraming nagpo-propose, panay what if, what if?,” giit pa ni Cayetano.

Ayon pa kay Cayetano, kaya nilang panindigan ang kanilang sinasabing hindi magsasara ang TV network.

“So nung sinabi naming hindi magsasara, ‘yan ang paninidigan namin,” dagdag ni Cayetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?