243
Cayetano nakipagplastikan kay Arroyo sa HNP party
By

Cayetano nakipagplastikan kay Arroyo sa HNP party

MANILA – Mukhang nakahandang gawin ni Taguig-Pateros Congressman Alan Cayetano kahit pa ang makipagplastikan sa kanyang mga karibal at nakaaway sa politika, makuha lamang ang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang speakership bid.

Nitong Lunes, dumalo si Cayetano sa inorganisang victory party ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa lungsod ng Makati dinaluhan hindi lamang ni Pangulong Duterte kundi maging ang kanyang mga pangunahing karibal sa pinag-aagawang liderato ng Kamara na sina reelected Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Leyte Congressman-elect Ferdinand Martin Romualdez.

Dumalo din sa nasabing pagtitipon ang minsang ng nakaaway ni Cayetano na si dating Pangulo at ngayo’y outgoing House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa mga larawang inilabas ng Malacañang, makikita ang pakikisalamuha ni Cayetano hindi lamang sa kanyang mga karibal kundi maging sa kanyang ninang sa kasal na si Ginang Arroyo na inakusahan niya dati ng pagkakaroon ng tagong nakaw na yaman sa pamamagitan ng kabiyak na si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo.

Noong 2007, inakusahan ni Cayetano ang kanyang ninong ng pagkakaroon ng secret bank account sa bansang Alemnya na mayroon umanong laman na milyon-milyong dolyar.

Lumipad si Ginoong Arroyo patungong Berlin kung saan nakakuha siya ng patunay mula sa isang bangko na wala siyang ganoong kalaking halaga ng pera na base sa akusasyon ni Cayetano.

Hiniling ng dating First Gentleman na matanggal sa hanay ng mga mambabatas sa Kamara si Cayetano matapos siyang magsampa ng kaso sa House Ethics Committee subalit hindi na ito umusad matapos mahalal si Cayetano na senador noong Mayo 2007.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?