431

Apr 6, 2020 @ 20:13
By

Cayetano ‘di na nakatulong, panggulo pa sa cash aid – barangay captain

Tila naiipit umano sa sitwasyon ang mga barangay captain dahil sa naging pahayag ni House Speaker Alan Cayetano na lahat ng pamilya ay mabibigyan ng tulong pinansyal ng pamahalaan.

Hinayag ni Talisay, Batangas Barangay Captain Abdul Aziz Natanauan ang kanyang himutok kay Cayetano dahil sa naging pahayag umano nito na nagpapalito sa kanyang mga nasasakupan at sila ang hinahanapan ng mga kailangang form para sa tulong pinansyal.

Ayon kay Natanauan, mayroong 2,500 pamilya sa kanyang barangay pero tanging 821 lang umano ang form na ibinigay sa kanya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Nahihirapan po akong magpaliwanag sa mga tao. ‘Yung sinasabi mong lahat ng pamilya ay bibigyan ay hindi naman totoo. ‘Yung sinasabi mo ang laging sinasabi ng mga tao. Ang pakiusap ko lang ay hindi ka naman yata nakakatulong sa mamamayan natin ay huwag ka nang magpadagdag ng problema at ‘wag ka nang magpagulo,” sabi ni Natanauan kay Cayetano.

Sabi pa niya, “Dito sa barangay ko miniting kami ng DSWD, 2,500 families dito ang binigay lang sa aming form ay 821. Salain daw namin ang mahirap pa sa mahirap. Tapos sila ang mamimigay ng pera at sasalain pa uli nila. At talagang kung hindi validated na mahirap kukuwestiyonin pa nila kami kung bakit napasama. Baka pwedeng tulungan mo kaming magpaliwanag sa mga tao at laging ang pinanghahawakan nila ay ‘yung sinabi mo.”

Pakiusap pa ni Natanauan kay Cayetano, “Bago ka magsalita antayin mo muna ‘yung memo na nadating, hindi ka na nakakatulong, nakakapagpagulo ka pa. ‘Yung mga tao nagrereklamo sa akin bakit daw hindi lahat…Laging video mo ang pinapakita ng mga tao. Baka gusto magpaliwanag.”

Hinamon pa ng kapitan si Cayetano na magpunta sa kanilang lugar para patunayan na tunay ang sinasabi ng kongresista.

“Kaming mga barangay captain, lagi kaming nababatikos. Ginagawa na namin ang tama pero ang aming sahod ay honorarium pa rin. Maliit na ang aming sahod ay puro batikos pa din kahit tama naman ang aming ginagawa,” diin pa ni Natanauan.

Kasunod ng sinabi ni Cayetano, nilinaw na ng DSWD na hindi lahat ng pamilya ay mabibigyan ng tulong pinansyal ng pamahalaan.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na mabibigyan lang umano ng cash aid ang mga tutukuyin ng mga lokal na pamahalaan sa profiling ng Social Amelioration Card form.

Dagdag dito, hindi na umano makatatanggap ng cash aid ang mga nasa ilalim ng Tupad o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment.

Narito ang buong pahayag ng barangay captain:

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?