100

Mar 24, 2020 @ 20:39
By

Caretaker na may sintomas ng COVID-19, nagbigti

Posibleng dahil sa matinding takot sa mga nararamdamang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), winakasan ng isang caretaker ang kaniyang buhay sa kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCMS Elizalde T. Toledo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-11:45 ng umaga (March 24) nang matagpuang nakabigti ang isang 56-anyos na caretaker sa kanilang tahanan sa Quezon City.

Ayon sa kaanak ng biktima, kagigising lamang niya nang utusan siya ng kanyang nanay na tingnan ang caretaker sa silid nito na noon ay may sakit at nahihirapang huminga.

Subalit pagpasok umano nito sa kanilang sala, ay bumungad sa kaniya ang nakabigting katawan ng biktima kaya agad na humingi ng saklolo ang mga kaanak nito sa kanilang mga barangay official na mabilis namang nagreport sa pulisya.

Nakakuha naman ang SOCO team sa pamumuno ni PMaj Joseph Infante ng suicide note ng biktima na nagsasaad na may pera umano ito sa wallet at hiniling na idiretso na ang paglibing sa kanya. Saad pa nito na hindi na umano niya kaya ang sakit sa kanyang dibdib.

Dahil sa iniwang suicide note, masusi namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima ay dahil sa takot na positibo siya coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa mga sintomas na kaniyang nararamdaman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?