102
Cardona may asim pa, San Juan sa North finals
By ,

Cardona may asim pa, San Juan sa North finals

Naselyuhan na ng San Juan Knights ang unang upuan sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup Northern Division Finals matapos lampasuhin ang Quezon City Capitals 106-81 sa Game 2 ng North semis series Huwebes ng gabi sa The Arena sa San Juan.

Umariba ang Knights sa second half ng laro at dinomina ang Capitals, para iposte ang 63-37 komportableng bentahe.

Pumutok si Macmac Cardona ng 26 puntos, walong assists at pitong rebounds para pangunahan ang Knights, na isang linggo pang maghihintay para maglaro sa division finals matapos maipwersa ng Manila Stars ang isang rubber match kontra Bataan Risers.

Umalagwa sa payoff period ang Stars nang iposte nito ang 8-0 run para sa 11-point cushion 73-62, bago nito itakas ang 80-76 na panalo.

Bumandera para sa Manila si Aris Dionisio na may 23 puntos at limang rerbounds habang gumawa naman ng kasaysayan sa MPBL si Marcy Arellano bilang ikapitong manlalaro na rumehistro ng triple-double, 13 puntos at tig-10 rebounds at assists.

Balik Bataan People’s Center sa Balanga, Bataan ang dalawang tropa para sa Game 3 ng kanilang serye at kung sino man ang manalo ay makakaharap ng San Juan sa best-of-three division finals.

Nanguna para sa QC si Andoy Estrella na may 14 puntos habang bumida naman para sa Bataan si Gab Dagangon na may 28 puntos at 10 rebounds.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?