83

Feb 16, 2020 @ 13:04
By

Butuanon River nagpositibo sa poliovirus

Sabi ng Department of Health (DOH), kinumpirma ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) na nagpositibo ang samples mula sa Butuanon River sa Mandaue City, Cebu sa poliovirus.

Sinabi ito ng DOH, Pebrero 15, 2020, kasabay ng anunsiyo na may bagong kaso ng polio sa bansa: isang 1-taong gulang na lalaki mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Pang-17 kumpirmadong kaso na ito mula nang bumalik ang sakit sa bansa noong Setyembre 2019.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na nakikipagtulungan na ito sa World Health Organization (WHO) para sa angkop na pagbabakuna.

Tinutulungan na rin umano ng ahensiya ang mga lungsod ng Cabanatuan at Mandaue upang pabutihin ang kanilang Acute Flaccid Paralysis surveillance capacities kabilang ang kanilang identification at reporting mechanisms.

Ayon sa WHO, lubhang nakahahawang sakit ang polio na naaapektuhan ang nervous system at maaaring magresulta sa pagkaparalisa.

Nanganganib mahawa ang mga batang edad 5 pababa sa polio, kaya nagpapatuloy ang kampanya ng DOH na Sabayang Patak Kontra Polio (SPKP) sa National Capital Region (mula Pebrero 24 hanggang Marso 8) at sa lahat ng mga rehiyon sa Mindanao (mula Pebrero 17 hanggang Marso 1).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?